Pambungad na Pananalita
Magandang araw sa ating lahat.
Tayo ay nagtipon-tipon muli ngayong araw na ito para sa ating taunang SIPA o State of Indigenous Peoples Address.
Kung ating babalikan, ang SIPA ay inumpisahan noong 2008. Karamihan sa inyo ay naroon noon sa Toril, Davao. Ang SIPA ay nag-umpisa bilang reaksyon sa mga pahayag ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang SONA o State of the Nation Address. Taon-taon, pawang di makatotohanan ang isinasalarawan ni Arroyo ang kalagayan ng mga Pilipino, lalo’t higit ng mga mahihirap, na karamihan ay nasa kanayunan, at kabilang dito ang mga katutubong Pilipino. Pawang kasinungalingan ang mga pahayag ni Arroyo tungkol sa kanyang mga natupad na mga pangako para sa mga batayang sektor, kabilang na ang mga katutubo. Kung ano-anong bilang ang lumalabas na diumano’y nagsasaad ng kaunlaran at pag-angat sa kahirapan ng mga mamamayan. Kaya naman inorganisa ang SIPA – para magkaron ng pagkakataon na pabulaanan ang mga kasinungalingan ni Arroyo; para bigyan ng totoong mukha at hugis ang kalagayan ng mga katutubong Pilipino. Nilayon din ng SIPA na bigyan ng mas organisado at mas malakas na boses ang mga panawagan ng mga katutubo.
Noong 2009, ang ating SIPA ay naging maigting sa paniningil sa pamahalaang Arroyo – sa walang habas na pang-aagaw ng mga lupaing katutubo, sa paggamit ng dahas laban sa mga komunidad na lumalaban para sa kanilang karapatan, at sa patuloy na diskriminasyon ng pamahalaan sa mga katutubo kung kaya’t patuloy ang kanilang kahirapan.
Ngayong 2010, tayo ay nasa ikatlo na ng ating taunang SIPA.
Ngunit ang SIPA sa taong ito ay una rin sa ilang bagay.
Ang SIPA na ito ay unang pagkakataon na national o pinagsamang mga katutubo sa Mindanao at Luzon. Noong 2008, ang mahigit na isang daang katutubo noon ay mga Lumad ng Mindanao. Noong 2009, nagkaroon ng dalawang sabay na SIPA – ang isa sa Cagayan de Oro para sa mga IP communities sa Mindanao, at sa Quezon City para naman sa Luzon. Para sa ngayong taong SIPA, dito sa Lantapan, Bukidnon, sinikap namin sa LRC na imbitahan ang mga IP communities mula sa Mindanao at Luzon para magkasama-sama at makabuo ng mas may pambansang karakter ang ating SIPA ngayong taon.

Ang isa pang una para sa SIPA na ito ay di na natin tatapatan ang SONA ni Arroyo. Wala na si Arroyo! Ibig sabihin malaking tinik ang nabunot sa ating matagal nang naninikip na dibdib. Sa loob ng 9 na taon na nasa kapangyarihan si Arroyo, talaga namang nagpakasasa ang pamilyang Arroyo, habang patuloy na naghuhumikahos ang bayan. Sinira nang husto ni Arroyo ang tiwala ng mga tao sa pamahalaan, sa mga institusyon at ahensya na bumubuo nito. Kaya naman malaking bagay ang pagtatapos ng kanyang pagkakaupo bilang presidente. May kaunting pwang para magkaron ng pagkakataong makabuong muli ng pag-asa para sa pagbabago.
Pero siempre, naryan pa rin sya sa kongreso, bilang congresswoman ng Tarlac. At dumagdag pa si Gloria sa iba pang Arroyo sa kongreso – ang kapatid ng kanyang asawa, si Iggy Arroyo ng Negros Occidental; ang kanyang anak na si Dato Arroyo ng Camarines Sur; at ang isa pa nyang anak na si Mikey Arroyo, na ngayon ay congressman bilang representante ng party list ng Ang Galing Pinoy! Ang partylist na ito ay nagre-represent ng mga security guards. Ang galing talaga ng mga Arroyo! Ang galing kumapit sa kapangyarihan! Kaya’t di man SONA ni Arroyo ang tatapatan natin ngayon, kongreso na puro Arroyo naman ang kakaharapin natin sa mga darating na taon.
Ang ikatlong una para sa SIPA natin ngayon, ay eto ang unang SONA ni Presidente Benigno Aquino III o P-Noy.
Sa kanyang unang SONA, inaasahan natin na ilalatag ni PNOY ang kanyang mga pangarap para sa bayan at sa sambayanang Pilipino, ang kanyang mga programa, mga prayoridad na gawain, proyekto; ang kanyang mga balak na gawin upang matamo ang pinangako nyang tunay na pagbabago.
May bago ba tayong maasahan kay P-Noy? Kung susuriin natin, baka walang malaking pagbabago. Si P-Noy ay nanggaling din sa mayaman at politikong pamilya. Ang kanyang pamilya ay panginoong may-lupa. Hindi naman kilala si Noynoy bilang isang politikong naging advocate o tagapag-sulong ng mga isyu ng mga batayang sektor. Hindi naging matunog ang pangalan nya bilang isang tagapagtaguyod ng mga isyu hinggil sa karapatang pang-tao. Pero sa ngayon, may ihip ng bagong hangin; di man tayo sigurado kung ito ay hangin ng pagbabago. Pagkatapos ng 9 na taong paghihirap sa ilalim ni Arroyo, anumang bago ay maaring pagkunan ng pagkakataong umasa, ng bagong pag-asa, ng pagbabago.
Kaya’t ang hamon sa atin ngayong pagtitipon na ito ng ating SIPA, ang ating unang SIPA sa unang taon ni P-Noy, ay mapa-abot sa kanya ang lalim ng sugat na iniwan ng administrasyong Arroyo sa mga lupaing ninuno, ang sakit at galit na namuo sa mga katutubong komunidad sa mga kalapastangan na dulot ng mga mapanirang proyekto at programa ng pamahalaan. At higit sa lahat, ang malaking gawain natin ngayon sa SIPA ay ang paglatag din kay P-Noy kung ano ang ating inaasahan sa kanyang administrasyon, ano ang mga konkretong panawagan ng mga katutubo, at ano ang mga dapat mangyari upang magkaron ng tunay na pagbabago, kapayapaan at kaunlaran, sa mga katutubong komunidad, at sa buong lipunan. Atin ding patunayan kay P-Noy ang lakas at tibay ng pakikibaka ng mga katutubo, at ang pagkaka-isa natin sa pagsulong ng karapatan ng mga katutubo sa kanilang sariling pagpapasya.
Noong nanumpa si Noynoy bilang Presidente, sabi nya sa kanyang inaugural speech, “Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo.”
Kaya, P-Noy, makinig ka na. Makinig sa mga sumbong at pahayag ng mga katutubo. Makinig sa mga ilalatag na IP agenda, ng mga dapat na gawain upang bigyang buhay ang nasasaad sa konstitusyon na kilalanin ang mga lupaing ninuno, kilalanin ang mga karapatan ng mga katutubo.
Makinig sa State of the Indigenous Peoples. Makinig nang mabuti, P-Noy, sa mga boss mo – ang mga katutubong Pilipino.
Samantala, patuloy ang ating gawain, ang ating tungkulin – na palakasin ang ating kilusan tungo sa tunay na pagbabago, di lang ng mga tao sa pamahalaan, kundi ng sistema ng pamamahala; tungo sa tunay na kaunlaran, hindi ng iilan kundi ang nakararami; at kung saan ang kalikasan at likas yaman ay di para limasin at pagkakitaan, kundi para pagyamanin upang patuloy magbigay buhay at kabuhayan.
Samantala, patuloy ang pagtulak ng pagkilala sa karapatan ng mga katutubo, at pagsulong sa kanilang karapat sa sariling pagpapasya. At kami sa LRC, ay patuloy nyong kaagapay at kapanalig.
Maraming Salamat po.
Magandang umaga sa ating lahat.
08.26.10
